Monday, November 28, 2011

Tabula Rasa






Hindi ba nakakatawa kung pano'ng hindi natin sini-seryoso ang mga cliché na kasabihan kahit ilang daang beses na silang labas-masok sa mga tenga natin?

Kung kailan lang nararanasan ang mga ito saka lang sila tumatak sa ating mga utak. Sa mga pagkakataong iyon lang natin nakikita ang mga gintong aral sa likod ng mga paulit-ulit at nakaka-rinding mga salita.

P4,120.00

'Yan ang budget ko habang naghahanap ng trabaho dito sa Cebu. Wala pa sa kalahati ng allowance ko ng isang buwan. Para sa pagkain, renta, pamasahe at mga ekstra na gastusin. Inutang ko pa ang P2,000.00 kay Ex#4 at ang sobra ay tira-tira sa nakaraang allowance ko. Dahil sa hiya, hindi na ako humingi sa tatay ko ng pera at gusto ko ring matutong tumayo sa sarili kong mga paa.

Marami din palang magandang naidudulot ang mawalan ka ng bagay na dati meron ka. Mas nabibigyan mo nang pagpapahalaga ang mga simpleng bagay na dati ay hindi mo pansin at mas marami kang pagkakataon na maging matatag.

Ngayon, laking pasasalamat ko na dahil kahit kailangan ko nang mag tipid ay sapat pa din naman ang bilang ng pag kain ko araw-araw. May pang-load pa ako at pang internet. Iniiwasan ko na nga lang na pumunta ng mga malls habang wala pa akong nahahanap sa trabaho.

Matagal ko nang sinasabi sa mga kaibigan ko tuwing ang kabuhayan ng mga pamilya namin ang nagiging paksa ng mga usapan na ayokong umasa sa kung ano mang naipundar ng magulang ko. Gusto kong bumuo ng isang bagay na masasabi kong ako mismo ang naghirap.

Ayokong maging ipokrito at sabihing hindi ako masaya na may resources nang handa kong magamit sa oras na kailangan pero hindi naman kayamanan ang usapin dito at katulad ng sa relihiyon, naniniwala kasi ako na mas maganda kung ikaw mismo ang maghahanap ng kabuluhan sa buhay mo sa panahon na marunong ka nang mag-isip ng kung ano ang tama at mali para sa sarili mo. Yung tipong back to zero. Clean slate. Ikaw mismo ang bubuo sa mga bagay-bagay sa buhay mo at hindi yung tatanggapin mo na lang kung ano ang nakagisnan mo o ang ibinigay sa iyo ng ibang tao.

Sa ganoong paraan mas magiging masaya ka dahil ikaw mismo ang may hawak ng manibela ng buhay mo. Ikaw ang bahala kung saan ka pupunta dahil alam mo kung saan ka magiging maligaya.

4 comments:

Mugen said...

Wow Goodluck Idol. Huwag mo sanang kalilimutan na isama rin kami sa iyong paglalakbay. :)

Straycat260 said...

amen..

odin hood said...

Tamaaaa!!!

nakakainis kasi may mga taong di ma-gets ang konseptong ito

Blakrabit said...

@Master: Salamat! Oo naman!

@Straycat: Oi! Nabuhay ka!! Musta?

@Odin: Oo nga sis. Nakakalungkot.